Kapwa nahaharap na ngayon sa kasong administratibo at iba pang kaso ang dalawang miyembro ng Philippine National Police o PNP na lulong umano sa talpakan o e-sabong at ginawang sideline ang panghoholdap o pagnanakaw para mabayaran ang kani-kanilang mga pagkakautang.
Isa sa mga ito ay ang 31-anyos na pulis na naaresto ng mga barangay tanod dahil sa tangkang pagnanakaw sa isang hardware store sa Barangay Sta, Maria, Gloria, Oriental Mindoro.
Kinilala ang suspek na si Police Corporal Leonell Maranan na nakatalaga sa Technical Support Company ng Regional Mobile Force Battalion ng MIMAROPA PNP.
Sa imbestigasyon ng Gloria Police, nadiskubre ito ng mga nagpapatrolyang barangay tanod na sinisira ang doorknob ng isang hardware gamit ang plais at screwdriver pasado alas-10:00 ng gabi noong Biyernes.
Narekober sa kanya ang cal.9mm service firearm matapos na maaresto ng mga tanod nang lumabas sa loob ng tindahan.
Kasong attempted robbery at administratibo ang kakaharapin ng pulis.
Samantala, arestado naman ang isang bagitong pulis na nangholdap ng isang gasolinahan sa Barangay Santiago, Sto. Tomas City, Batangas.
Kinilala ang suspek na si Patrolman Glen Angoluan, nakatalaga sa Laguna Police Provincial Mobile Force Company.
Ayon kay Laguna Provincial Police Director Colonel Robert Campo, naaresto si Angoluan sa inilatag na checkpoint sa Barangay San Isidro sa Pagsanjan, Laguna matapos na tumakas makaraan ang panghoholdap.
Inamin ng pulis na nabaon siya sa utang dahil sa online sabong kaya nagawa ang panghoholdap.
Batay rin sa imbestigasyon, sangkot rin ang pulis sa ilang pang insidente ng panghoholdap sa ilang convenience store sa Batangas.
Kasong administratibo at krimen ang isinampa sa pulis at posible pa itong matanggal sa serbisyo dahil sa panghoholdap gamit ang issued firearm.
Comments
Post a Comment